Mass gatherings bawal sa piyesta ng Sto. Nino

Manila PIO photo

Ipinagbabawal na muna ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsasagawa ng lahat ng uri ng mass gatherings sa piyesta ng Sto. Nino sa Enero 16.

Ayon kay Moreno, ito ay para maiwasan na magkahawaan ng COVID-19.

“I just signed Executive Order No. 4 series of 2022. Due to the current crisis brought by the spread of the Covid-19 virus — which is mainly attributed to close contact between and among individuals — religious procession, street parties, stage shows, parades, palarong kalye or street games, ati-atihan and other forms of public gatherings are hereby strictly prohibited,” pahayag ni Moreno.

“Ito ay isa sa mga ating gagawin para patuloy na sama-sama nating labanan ang paglago ng Covid-19 at maiwasan natin na masawi ag ating mga kababayan,” dagdag ng Mayor.

Ayon kay Moreno, saklaw ng kautusan ang 40 barangays sa Pandacan at 100 barangays sa Tondo.

Bukod sa mass gatherings, ipatutupad din ni Moreno ang liquor ban.

“Wala pong inuman. May liquor ban sa araw na yaon at wala rin pong papayagan na magtinda ng alak. Binabalaan natin at pinapaalalahanan natin na lahat ng magtitinda ng alak sa araw na yon ay babawiin ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang pribilehiyo ninyong magtinda,” pahayag ni Moreno.

Inatasan ni Moreno ang Manila Police District na mahigpit na ipatupad ang liquor ban.

Hinikayat ni Moreno ang mga deboto ng Sto. Niño na gayahin ang mga deboto ng Black Nazarene na sumunod sa mga itinakdang protocols.

“Kailangang-kailangan ko po ng tulong ng ating mga kababayan na sundin itong mga simpleng alituntunin na makatutulong mailigtas ang bawat iusa sa inyo at kaligtasan na rin ng inyong mga pamilya,” pahayag ni Moreno.

 

 

Read more...