Hash code nababago talaga ayon sa isang IT Expert
Normal na nababago ang hash code na siyang nagtitiyak ng proteksyon sa datos na itina-transmit ng vote counting machines (VCMs).
Ipinaliwanag sa Radyo Inquirer ni Lito Averia, IT consultant ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), na ang pagta-transmit ng mga datos mula sa VCM ay hindi sabay-sabay at depende sa oras ng tapos ng proseso ng pagboto.
Sinabi ni Averia na ang hash code ang nagbibigay proteksyon sa datos na kinukuha sa isang system.
Sa simpleng paliwanag, inihalimbawa ni Averia na kung nag-transmit ng 100 election returns ang VCM ay mayroon itong hash code.
Kung sa susunod na oras ay muling nagtransmit ang VCM ng 50 election returns, ay magkakaroon ng panibagong hash code ang nasabing datos.
Ayon kay Averia, posible naman talagang may makialam at magbago sa hash code gayunman, mahihirapan aniya ang gagawa nito, dahil tatlo ang pinupuntahan ng bawat datos.
Kabilang aniya dito ang transparency server na siyang pinagkukuhanan ng datos ng PPCRV at mga media entity, ang municipal o city board of canvass, at ang main server ng Comelec.
“Ang mga susunod na hash code, hindi talaga tutugma sa mga naunang hash code mababago talaga. Kung may dadayain ka sa isang lugar, kailangang dayain mo at baguhin sa dalawa pang tumatanggap ng datos,” paliwanag ni Averia.
Aminado din si Averia na napansin nila sa NAMFREL ang pagkawala ng 30,000 boto ni Senator Chiz Escudero noong hapon ng May 10.
Sinisyasat aniyang mabuti ng NAMFREL ang nangyari, at nang sumunod na transmission ay naitama na ang datos at naibalik naman ang nawalang 30,000 na boto.
Ayon kay Averia, ang konklusyon nila dito ay posibleng nagkaroon ng pagkakamali sa transmission.
Sa usapin naman ng pagkakaroon ng pagbabago sa command sa transparency server, sinabi ni Averia na para mamanipula ang resulta, kinakailangang mapasok ang sistema at mahirap itong gawin kung walang kasabwat na insider.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.