Humigit-kumulang 100 million doses pa ng bakuna na panlaban sa COVID-19 ang hawak ng gobyerno.
Sinabi ito ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., at aniya, ang mga ito ay ituturok sa 28 milyon hanggang 30 milyong Filipino na nanatiling hindi bakunado.
Dagdag pa niya, ang natitirang bakuna ay sapat din para maibigay na booster shots sa 25 milyong Filipino.
“Though ‘yung 100 million doses na nasa stockpile po natin ay sapat sa remaining primary series ng unvaccinated at para sa 25 million na eligible ngayong quarter for boosters,” aniya.
Hanggang noong Lunes, kabuuang 114,263,805 na ang naiturok at 52,856,932 na ang fully vaccinated sa bansa.
Umaasa ang National Task Force Against COVID-19 na sa loob ng tatlong buwan ay makukumpleto na ang second dose at booster shots, samantalang bago matapos ang unang kalahati ng 2022 ay nabakunahan na ang 90 milyong Filipino.