Online money transfer fees, hiniling ni Sen. Gatchalian na pansamantalang suspindehin
Inihirit ni Senator Sherwin Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at mga bangko na kung maari ay pansamantalang suspindehin ang bayad sa online money transfer kasabay nang pagdami muli ng COVID-19 cases sa bansa.
Katuwiran ni Gatchalian, nagbawas ng oras ng operasyon ang maraming bangko at may ilan pa ang nagsara dahil marami sa kanilang mga empleyado ay nagkasakit na rin.
Kayat, ayon sa vice chairman ng Senate Committee on Banks, mas ligtas ang electronic banking at online money transfer.
“A fee less money transfer service and payment transaction service can also be a temporary relief measure to the public,” sabi pa ni Gatchalian, na sinabi na marami sa mga Filipino ang nahihirapan sa mga gastusin dahil sa pandemya.
Pagpapaalala pa ng senador na ang kanyang suhestiyon ay ginawa na ng BSP at ilang BSP-supervised financial institutions nang ilagay sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila noong Abril 2020.
Naniniwala si Gatchalian na kapag napagbigyan ang kanyang hirit, mahihikayat ang mga konsyumer na gumamit na lamang ng online money transfer services.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.