Pansamantalang isinara ang Molecular Laboratory ng Antipolo City government dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa kanilang mga tauhan.
Sa Facebook, sinabi ni Mayor Andrea Bautista Ynares na dumadami ang mga nagkakasakit na health workers sa nasabing laboratoryo sa Sitio Cabading, kabilang ang mga pathologist.
Sarado ang naturang laboratoryo simula January 11 hanggang 17, 2022.
Bunsod nito, asahan aniyang maaantala ang pagproseso at paglabas ng mga resulta ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) swab test.
“Magkakaroon po ng kaunting pagkaantala ang pagproseso ng resulta ng mga RT-PCR swab tests, maging sa mga laboratory (Red Cross) sa ibang rehiyon tulad ng NCR dahil na rin po sa mga nagkakasakit at kasalukuyang naka-quarantine na mga empleyado,” saad ng alkalde.
Humingi naman ng pang-unawa si Ynares sa publiko.