“No vaccination, no ride/entry” sa public transport sa NCR, ipinag-utos ng DOTr

DOTr photo

Ipinag-utos ni Transportation Secretary Art Tugade ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride/no entry” policy sa mga pampublikong transportasyon sa National Capital Region (NCR).

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na higpitan ang magiging galaw ng mga indibiduwal na hindi bakunado laban sa COVID-19 sa Metro Manila.

Sa inilabas na Department Order (DO), sinabi ng kalihim na epektibo ang naturang polisiya habang umiiral ang COVID-19 Alert Level 3 o mas mataas sa NCR.

Kasunod ng kautusan ng pangulo, nagpasa rin ang Metro Manila Council ng isang resolusyon para hikayatin ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa NCR na magpatupad ng ordinansa ukol sa mas mahigpit na panuntunan sa mga hindi bakunado.

Magiging epektibo ang DO matapos maisapubliko sa Official Gazette o mga pahayagan, at matapos makapagsumite ng kopya sa Office of the National Administrative Register, U.P. Law Center.

“All concerned attached agencies and sectoral offices of DOTr are directed to ensure that operators of public transportation shall allow access or issue tickets only to ‘fully vaccinated persons’ as evidenced by a physical or digital copies of an LGU (local government unit)-issued vaccine card, or any IATF-prescribed document, with a valid government issued ID with picture and address,” saad sa DO.

Nakasaad din sa DO na maikokonsidera bilang fully vaccinated laban sa COVID-19 ang isang indibiduwal dalawang linggo matapos makatanggap ng second dose, tulad ng Pfizer o Moderna vaccines, o dalawang linggo matapos ang single-dose vaccine tulad ng Janssen vaccine ng Johnson & Johnson.

Exempted naman sa “no vaccination, no ride” policy ang mga sumusunod:
– Mga indibiduwal na may medical condition na pumipigil sa buong COVID-19 vaccination, base sa medical certificate na may pangalan at detalye ng kanilang doktor.
– Mga indibiduwal na bibili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot, medical devices, public utilities, energy, trabaho, at medical and dental necessities, base sa barangay health pass o iba pang katibayan ng pagbiyahe.

Read more...