Office of Ombudsman sa Quezon City, mananatiling sarado hanggang January 19
Mananatiling sarado ang lahat ng Office of the Ombudsman sa Quezon City hanggang January 19, 2022.
Batay sa inilabas na memorandum ni Ombudsman Samuel Martires, lumabas kasi ulat ng Safety and Health Committee ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.
Layon ng pansamantalang pagsasara na makapagpatupad ng isolation at quarantine protocols order, at mahinto ang pagkalat pa ng nakahahawang sakit sa mga empleyado.
Simula sa January 20, magpapatupad ng skeleton workforce sa Public Assistance Bureau, Central Records Division, CREMEB-Luzon, CREMEB-MOLEO, OSP Records Office, Finance and Management Information Office, General Administrative Office, Management Information System Service, at Human Resource and Management Division.
Kailangang tiyakin ng mga pinuno ng mga tanggapan na walang sintomas ng COVID-19 ang mga papasok na empleyado, may negatibong RT-PCR o antigen testing results, at hindi na-expose sa isang COVID-19 positive patient 10 araw bago ang pagpasok sa opisina. Isusumite ang listahan ng mga papasok na empleyado kay Assistant Ombudsman Jose Balmeo.
Magsisimula ang pasok ng skeletal workforce bandang 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon para bigyang-daan ang disinfection.
Tuloy naman sa work from home arrangement ang mga hindi kabilang sa listahan.
Maliban dito, inurong din ang paghahain ng pleadings, mosyon, affidavits, at iba pang dokumento sa January 20.
Para naman sa mga aplikante ng OMB clearance, maari pa ring magsumite ng aplikasyon sa pamamagitan ng drop boxes sa gate ng Ombudsman office sa Quezon City o ipadala via e-mail sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.