Sen. Kiko Pangilinan sinabing palalain ang gutom ng pagtaas ng presyo ng tinapay
Nanawagan si Senator Francis Pangilinan sa Department of Trade and Industry (DTI) na kumilos na para mapigilan ang pagtaas ng halaga ng mga tinapay.
Aniya malaki ang magiging epekto nito sa mga nagugutom dahil sa pandemya at dahil sa kalamidad.
“Sobrang bigat na ng pasanin ng taumbayan sa sunod-sunod na pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Dapat maging proactive ang DTI kesa mag-aantay na lamang itong tumaas ang mga presyo na wala man lamang gagawing paunang hakbang,” ayon sa vice-presidential aspirant.
Ginawa ni Pangilinan ang apila bunsod ng mga ulat na ang pinakamalaking samahan ng mga gumagawa ng tinapay sa bansa ay hiningi na ang pagpayag ng gobyerno na makapagtaas sila ng halaga ng kanilang mga produkto.
Aniya kapag sumabay pa sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin ang tinapay, lalala ang problema ng kagutuman lalo na sa hanay ng mga bata.
Kamakailan, sinabi ng Philippine Baking Industry Group na ang pagtaas sa halaga ng tinapay ay bunga ng karagdagang presyo ng arina sa P995 mula sa P710 kada sako.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.