Lotto draw operations, sinuspinde ng PCSO hanggang January 12, 2022

Sinuspinde ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang lotto draw operations mula sa Lunes, January 10, hanggang Miyerkules, January 12, 2022.

Paliwanag ng PCSO, layon nitong mapangalagaan ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga empleyado kasunod ng pagtuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.

Mananatili namang bukas ang lotto outlets para sa mga indibiduwal na nais bumili ng ticket para sa digit/jackpot games, keno at instant sweepstakes.

Tuloy din ang STL operations sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 hanggang 4, alinsunod sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).

“Mangyari pong pakaingatang mabuti ang inyong mga ticket dahil magsasagawa po tayo ng catch-up draws sa unang araw ng pagbabalik ng aming draw operations,” saad ng PCSO.

Maari itong antabayanan sa PCSO website na www.pcso.gov.ph at Facebook accounts na Philippine Charity Sweepstakes Office at PCSO Games Hub.

Paalala nito, “Manatili po tayong ligtas, at palagiang sundin ang mga minimum health protocols upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19 sa madaling panahon.”

Read more...