Gusto ni Senator Christopher “Bong” Go na mas mapabilis pa ang isinagawang vaccination rollout kasabay ng pagdami nang husto ng mga tinatamaan ng COVID-19.
“Umaapela ako sa mga awtoridad na bilisan pa ang pagbabakuna sa lahat ng mga eligible na sektor, lalo na iyong mga itinuturing na ‘poorest of the poor’, upang mabigyan ng kaukulang proteksyon ang ating mga kwalipikadong mamamayan at tuluyang makabalik na tayo sa normal na pamumuhay oras na makamit natin ang herd immunity,” apela ng senador.
Hiniling naman ni Go sa publiko na istriktong sumunod sa health protocols para na rin sa kaligtasan ng lahat.
“Huwag na nating sayangin ang naging sakripisyo natin sa nakaraang halos dalawang taon. Konting tiis at patuloy lang tayong makiisa sa gobyerno at magmalasakit sa kapwa. Malalampasan din natin itong pinakabagong hamon bilang isang mas matatag na bansa,” aniya.
Pagdidiin pa ng namumuno sa Senate Committee on Health na base sa mga datos, bagamat dumadami ang mga kaso, naiiwasan naman ang malalang sintomas at kamatayan dahil sa bakuna.
Aniya, marami sa mga nangangailangan ng matinding gamutan sa mga ospital sa Metro Manila ay hindi bakunado at base sa ulat ng Department of Health (DOH), 85 porsiyento sa kabuuang bilang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.