Batas para sa ayuda sa mga magsasaka, pinuri ni Sen. Villar
Todo-pasasalamat si Senator Cynthia Villar kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpirma sa Republic Act 11598 o ang Cash Assistance to Filipino Farmers Act.
Ayon kay Villar, 1.673 milyong maliliit na magsasaka sa bansa ang makikinabang sa naturang batas, na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Disyembre 10.
Aniya, malaking tulong ito sa mga magsasaka na labis na naapektuhan ng pandemya at patuloy na hinaharap ang mga hamon ng liberalisasyon ng pag-aangkat ng bigas, gayundin ng mga nagdaang mapaminsalang kalamidad.
“I strongly believe that our farmers need more support and assistance to cope with the several challenges, especially now that we are in a pandemic, and their health is also at risk. Any amount we give to our farmers will be a big help to augment their income and improve their poor living condition,” dagdag pa ng pangunahing nagsulong sa panukala.
Paliwanag ni Villar, nakasaad sa batas na maari nang bigyan ng tulong pinansiyal ng Department of Agriculture (DA) ang mga nagtatanim ng palay sa hindi hihigit na dalawang ektarya hanggang 2024.
Mahuhugot ang pondo mula sa sobra sa P10 bilyong kita sa Rice Competitiveness Enhancement Fund.
Sinabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Agriculture na nasa bagong batas na direktang ibibigay ng Bureau of Customs sa DA ang sobrang singil sa pag-importa ng bigas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.