Mga magsasakang nasalanta ng Bagyong Odette sa Negros Occidental, inayudahan ng DAR
(DAR photo)
Personal na binisita ni Agrarian Reform Secretary Bernie Cruz ang mga magsasakang naapektuhan ng Bagyong Odette sa Negros Occidental.
Namahagi si Cruz ng limang generator sa municipal office ng DAR Negros Occidental na hanggang ngayon ay wala pa ring suplay ng kuryente.
Kabilang sa mga binigyan ni Cruz ang munisipalidad ng Hinigaran, Himamaylan, Candoni, Cauayan, at Sipalay City.
“Bumisita kami rito hindi lamang para sa mga naapektuhang agrarian reform beneficiaries (ARBs), kung hindi narito rin kami upang alamin ang inyong kinalalagyan,” pahayag ni Cruz.
Pinakinggan ng Secretary ang kanilang mga hinaing at ipinaalala sa kanila na ang ahensiya ay magbibigay tutlong sa kanila upang sila ay makabangon muli.
“Patuloy kayong tutulungan ng inyong mga kapamilya sa DAR sa inyong kasalukuyang sitwasyon,” ayon kay Cruz.
Inatasan naman ni Field Operations Office (FOO) Undersecretary Elmer Distor ang mga municipal office na magsumite ng mga listahan ng kinakailangan nilang kagamitan upang makapagtrabaho ng maayos.
“Susubukan naming ibigay ang mga hinihiling ninyo dahil kung lahat ay maayos na wala tayong dahilan upang hindi natin magawa ang ating adhikaing magbigay serbisyo sa mga magsasaka,” ayon kay Distor.
Namahagi rin ang DAR ng mga relief goods sa mga ARB mula sa Barangay Mambaruto sa Sipalay City. Nakipagdayalogo rin si Cruz sa mga nasabing magsasaka upang alamin ang kanilang mga suliranin sa layuning muling buhayin ang kanilang mga pinagkakakitaan.
Ayon naman kay Manlukahok Multi-Purpose Cooperative Chairperson Jane Fausto, ang pagbisita ng DAR ay nagbigay ng pag-asa sa kanila.
“Kung aasa lamang kami sa sa sarili namin, hindi namin maibabalik ang pagiging produktibo ng aming lupa kahit ilang taon pa. Sa plano ng DAR na bigyang rehabilitasyon ang aming mga bukirin, ako ay naniniwalang babalik agad ang aming normal na pamumuhay,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.