Hinikayat ni Senator Christopher Go ang mga athletics body at sports officials na huwag idamay ang mga pambansang atleta sa isyu na maari naman maresolba.
Kasabay ito nang pagpapahayag ng pangamba ni Go na maapektuhan ang mga atleta ng bansa sa mga isyu at hindi sila makapag-focus sa kanilang mga pagsasanay.
“Trabaho ninyo na tulungan sila. Iresolba at ibigay mga pangangailangan nila. Pagaanin ang pinapasan nila. Hindi para ipitin at mas pahirapan pa sila!,” ayon sa namumuno sa Senate Committee on Sports.
Hindi na rin itinago ni Go ang labis na pagkadismaya sa desisyon ng Philippine Athletics and Track and Field Asso. (PATAFA) na alisin si Filipino Olypian EJ Obiena sa National Training Pool.
“Yung national athletes natin ang focus niyan ay magbigay ng panalo at dangal sa pamilya at sa bansa. Nagpapakahirap yan para maghanda at maging mahusay sa kanyang larangan, Huwag natin ipaproblema sa kanila yung mga isyu na pwede naman pagtulungan ng mga opisyales, mga organisasyon, at mga propesyunal na inatasang suportahan ang Philippine team. Kaya nga nandito tayo para tulungan sila. Hindi para dagdagan pa ang iniisip nila,” pahayag pa ng senador.
Sinabi nito na nakakadismaya na sa halip na suportahan at purihin si Obiena, nagiging pabigat pa sa kanya ang isyu.
Diin ni Go, batid niya ang mga hamon at sakripisyo ng mga pambansang atleta para magbigay parangal sa bansa at sambayanang Filipino.