Mass gathering sa Iloilo City, bawal na simula sa January 7

Photo credit: Mayor Jerry Treñas/Facebook

Ipagbabawal na ang mass gathering o pagtitipon sa Iloilo City simula sa Biyernes, January 7.

Base sa inilabas na Executive order No. 001-B, series of 2022 ni Mayor Jerry Treñas, nakapagtala ang Iloilo City Epidemiology and Surveillance Unit ng City Health Office ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Bunsod nito, iniutos ng Iloilo City COVID Team ang dagdag na hakbang upang mahinto ang kalat ng nakakahawang sakit.

Papayagan naman ang religious gatherings hanggang 30 porsyentong kapasidad.

Pwede rin magdaos ng kasal, binyag, lamay, at libing basta’t immediate family members lamang ang dadalo.

Maari ring ituloy ang mga gathering na kinakailangan para sa health services, government services o humanitarian activities na awtorisado ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang Professional Licensure Examinations o Bar Examinations sa Iloilo City. Kailangang matiyak na masusunod ang health protocols.

Samantala, pwedeng makapag-operate ang mga sumusunod na establisyemento at aktibidad:
– Visitor o tourist attractions
– Recreational venues
– Cinemas and movie houses
– Limited face-to-face classes for Basic Education
– Limited face-to-face classes for Higher Education
– Dine-in services
– Personal care establishments
– Fitness studios and gyms
– Film, music, and television productions
– Contact sports na aprubado ng LGU
– Theaters

Base sa EO, maaring ipatupad ang 30 porsyentong maximum indoor capacity para sa mga fully vaccinated na indibiduwal at 50 porsyento naman ang outdoor venue capacity sa mga nasabing establisyemento at aktibidad.

Isasailalim sa Alert Level 2 ang Iloilo City simula January 7 hanggang 15, 2022.

Read more...