Agrarian reform beneficiaries na nasalanta ng #OdettePH sa Negros Oriental, nakatanggap ng relief goods
Namahagi ng relief goods ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) na nasalanta ng Bagyong Odette sa Negros Oriental.
Ayon kay DAR Secretary Bernie Cruz, kabilang sa mga ibinigay ang bigas at mga de lata.
Nagbigay din aniya ang DAR ng farm machineries, farm inputs, credit assistance at trainings sa mga magsasaka sa bayan ng Mabinay at Bais City.
“Inatasan ako ni Pangulong Rodrigo Duterte na tingnan ang kapakanan ng mga ARB at at gamitin ang resources ng ahensiya upang matulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng bagyo,” pahayag ni Cruz.
Bago pa rito, inatasan na ni Cruz ang mga DAR field official na bigyang prayoridad at bilisan ang pagsakop at pamamahagi ng mga nakatiwangwang na government-owned lands (GOLs) at pribadong lupang agrikultural, kung saan kailangan matapos ang pamamahagi nito sa unang semestre ng 2022.
Bago matapos ang taong 2021, inatasan ng DAR chief ang regional directors na magsumite, bago o sa mismong araw ng Enero 10, 2022, ng consolidated list ng mga imbentaryo ng mga nakatiwangwang na GOLs at pribadong lupang agrikultural para maipamahagi sa unang semestre ng taon.
“Susundin namin ang utos ng Pangulo, bibilisan namin ang pamamahagi ng lupang agrikultural at uunahin ang mga naging biktima ng nakaraang bagyo,” dagdag pa niya.
Ang mga rehiyon na matinding nasalanta ng bagyong Odette ay ang Caraga, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas at MIMAROPA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.