Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamunuan ng Simbahang Katolika na itigil na muna ang Religious activities.
Ito ay dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, lalo na sa Metro Manila na ngayon ay nasa Alert Level 3 na.
Sa Talk to the People ng Pangulo, sinabi nito na kung maari ay kanselahin na muna ang lahat ng pisikal na mga pagtitipon pati na ang mga prusisyon at pagsasagawa ng misa.
Ayon sa Pangulo, milyong deboto ang nagsisimba kung kaya hindi dapat na maging maluwag at maging pabaya ang Simbahang Katolika para magkalat ng virus.
Umaasa ang Pangulo na maiintindihan siya ng Simbahang Katolika sa kanyang pakiusap.
Sa naturang Talk to the People, inirekomenda ni Dr. John Wong, miyembro ng Inter-Agency Task Force technical working group na iwasan na muna ang superspreader events gaya ng selebrasyon ng Feast of the Black Nazarene, Feast of the Santo Niño, at Chinese New Year.
Pakiusap ng Pangulo sa mga pari, obispo at iba pang religious leaders, sumunod sana sa mga rekomendasyon ni Wong.
Ayon sa Pangulo, ayaw ng gobyerno na mag-utos ng anuman bagkus ay idinadaan sa pakiusap.