May lima pang kawani ng Philippine Ports Authority (PPA) na nagpositibo sa COVID-19.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago na positibo sa antigen testing ang limang kawani sa head office sa Maynila or Port of Manila.
Dahil dito, umabot na sa kabuuang 45 ang bilang ng mga kawani ng ahensya na tinamaan ng nakahahawang sakit.
Naka-isolate na aniya ang mga asymptomatic na kawani at nagkakasa na ng contact tracing sa mga nakasalamuha nito.
“Ina-assure naman po natin ang lahat ng mga nagta-transact sa PPA na hindi po kasama sa operations ang karamihan sa mga nagpositibo,” pahayag nito.
Patuloy pa rin aniya ang operasyon ng ahensya.
“Ni-recall na po natin ‘yung ibang mga hindi naka-schedule na rotation this week para mapunan po nila ‘yung pagkukulang nung mga tauhan natin na in-isolate natin simula kahapon pa,” dagdag ni Santiago.
Tiniyak nito na tuluy-tuloy ang pagsasagawa ng testing sa kanilang mga kawani.