Sen. Pangilinan, may babala ukol sa overpricing ng mga pangunahing bilihin

By Jan Escosio January 04, 2022 - 07:27 PM

Ipinaalala ni Senator Francis Pangilinan ang nakasaad sa Republic Act 7581 o ang Price Act kasunod ng mga ulat ng mga ilegal na pagpapataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular na ang mga pagkain ang produktong petrolyo.

Kasabay nito, hinikayat ni Pangilinan ang mga konsyumer na isumbong ang mga gumagawa ng overpricing o ireklamo ang mga establisyemento na nagbebenta ng mga produkto ng higit pa sa itinakdang presyo.

Hinikayat din niya ang Department of Trade and Industry (DTI), gayundin ang mga lokal na pamahalaan, na magtulungan para matiyak na hindi aabusuhin ang sitwasyon bunga ng pandemya, maging ng naging epekto ng nagdaang bagyong Odette.

“Dapat bantayan na hindi bagyuhin ng mataas na presyo ng pagkain at iba pang bilihin ang ating mga kababayan pagkatapos ng bagyong Odette. Marami pa rin ang hindi pa nakakabalik sa trabaho at dumadaing sa pang-araw-araw na gastusin. Hindi na sila dapat parusahan lalo sa mataas na presyo ng bilihin,” aniya.

Makakabuti, dagdag pa ni Pangilinan, kung pagaganahin nang husto ng DTI ang kanilang price monitoring teams sa buong bansa hindi lamang sa mga nasalanta ng kalamidad.

Katuwiran niya, maaapektuhan din ang presyo ng mga ipinagbibili sa Metro Manila at ibang lugar dahil marami sa mga produkto ay galing sa Visayas at Mindanao na labis na tinamaan ng bagyong Odette.

Sa ngayon, umiiral ang price control sa mga pangunahing bilihin sa MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao at CARAGA Regions.

TAGS: FrancisPangilinan, InquirerNews, PriceAct, RadyoInquirerNews, FrancisPangilinan, InquirerNews, PriceAct, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.