Sen. Zubiri. nais pabigatin ang parusa sa quarantine violators
Hiniling ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na maamyendahan ang Republic Act 11332 o ang Law on Reporting of Communicable Diseases.
Partikular na nais ni Zubiri sa inihain niyang Senate Bill No. 2470 na mas maging malinaw ang quarantine violations at para mapabigat ang katapat na mga parusa.
Una nang hiniling ni Zubiri sa Departments of Health, Tourism at Interior and Local Government na imbestigahan ang pagpapabaya ng isang Makati City hotel sa quarantine protocols.
Ito ay kaugnay sa hindi pag-quarantine ng isang Filipina na dumating mula sa U.S. at nakipag-party sa ilang kaibigan sa isang bar sa Barangay Poblacion sa nabanggit na lungsod.
Diumano, nakahawa ang Filipina ng 15 katao, kabilang ang ilan sa kanyang mga kaibigan.
“As we feared, tumaas na nga nang tumaas ulit ang mga kaso natin ng COVID over the past week. But this is not just from the Christmas rush. For all we know marami pang ibang mga quarantine facilities at individuals ang hindi sumusunod sa ating health and quarantine protocols at nagkakalat ng COVID galing sa ibang bansa,” sabi ni Zubiri.
Paliwanag ng senador sa kanyang panukala, kailangan ay mapanagot ang mga hindi sumusunod sa mandatory quarantine, gayundin ang mga tumutulong sa kanila.
Dagdag pa niya, hindi dapat bumaba sa P500,000 at hindi naman hihigit sa P1 milyon ang multa sa mga lalabag at mas bibigat ang parusa kapag namatay ang nahawaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.