32 PUV drivers, huli dahil sa paglabag sa COVID safety rules
Sa unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level 3 sa Metro Manila, nahuli ang 32 PUV driver at operator dahil sa paglabag sa minimum public health standards sa iba’t ibang lugar partikular na sa Caloocan, Malabon, Pasay, Maynila, at Parañaque.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), naglabas na rin ng show cause order laban sa mga nahuli.
Sinabi ng ahensya na babala ito sa mga drayber at operator na hindi pa rin sumusunod sa mga alituntunin ng Department of Transportation (DOTr).
Maliban dito, nahuli rin ang isang jeepney drayber na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga.
Sa gitna ng operasyon, puno ng pasahero ang isang pampublikong jeep at nakitang pagewang-gewang sa kalsada.
Nang paparahin ng LTO NCR Enforcer, biglang humarurot ang jeep.
Nagtangka pang tumakas ang jeepney driver habang papunta sa kahabaan ng Rizal Avenue, Maynila.
Naghiyawan ang mga pasaherong sakay dahil sa takot.
Nahabol naman ng mga LTO enforcer ang jeepney driver sa kanto ng Bulacan Street sa kahabaan ng Rizal Avenue at dinala sa Manila Police District, Sta. Cruz Police Station (PS3) Quezon Boulevard.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.