Nilinaw ng Commission on Elections na isasapinal pa nila ang petsa para sa pagsasagwa ng special elections sa limang mga lugar na nagkaroon ng failure of elections.
Pansamantala munang hindi sinabi ng Comelec ang mga pagdarausan ng special elections pero ipinaliwanag ni Comelec Chairman Andres Bautista na posibleng umabot sa 18,000 voters ang apektado ng pagkakabalam ng eleksyon sa kanilang mga lugar.
Kahapon ay sinabi ni Commissioner Rowena Guanzon na hindi natuloy ang eleksyon sa bayan ng Binidayan sa Lanao Del Sur makaraang hindi magpakita noong araw ng halalan ang mga election officers sa nasabing bayan.
“Sa Binidayan, Lanao del Sur hindi po talaga sila nakaboto so malamang failure of election na yun. Kailangan ma-hearing ng en banc para makapag-receive ng ebidensya kung bakit hindi nakapagboto mga tao doon. At magse-set ng special elections doon kung kakailanganin,” ayon sa pahayag ng opisyal.
Nagkaroon din ng failure of elections sa Borongan City sa Eastern Samar at Hinigaran sa Negros Occidental makaraang magkapalit ang mga balota sa naturang mga lugar.