Siniguro ng Philippine Coast Guard (PCG) na tuloy pa rin ang relief transport missions sa mga sinalantang probinsya sa Visayas at Mindanao sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Leopoldo Laroya, 34 frontline personnel ang nagpositibo sa COVID-19 sa gitna ng walang humpay na operasyon ng ahensya sa kasagsagan ng holiday season.
Sa nasabing bilang, 32 personnel ang nakatalaga sa Task Force Kalinga at kabilang sa pagbiyahe ng relief goods.
Agad namang isinailalim sa isolation ng Task Force Kalinga ang mga apektadong tauhan.
Binigyan din sila ng mga kinakailangang medical assistance para sa mabilis na paggaling.
Pansamantala silang pinalitan ng panibagong batch ng frontline personnel upang hindi maudlot ang operasyon.
“We are grateful to the numerous government agencies and private organizations that chose to course through their cash and in-kind donations to the PCG Foundation and the Task Force Kalinga,” pahayag ni Laroya.
Dagdag nito, “In return, we will strive to transport as many relief goods and critical supplies as possible – safely and swiftly to the affected regions, including far-flung coastal communities.”
Nakikipagtulungan din aniya sila sa ilang shipping companies, kabilang ang 2GO at Phil Span Asia, para sa pagpapadala ng relief transport missions.
Aniya pa, “We are confident that we can continue to move closer to the full recovery of the affected families despite another COVID-19 surge.”
Sa datos hanggang January 3, nakapagpadala na ang Coast Guard vessels at air assets ng 1,037.7 tonelada ng relief goods.
Maliban dito, bahagi rin ng relief transport missions ang PCG Auxiliary (PCGA) aircraft at private vessels na nakapagbiyahe ng 288.5 tonelada ng mga suplay.
Dahil dito, umabot na sa 1,326.2 tonelada ang kabuuang naipadalang relief goods at critical supplies para suportahan ang rehabilitasyon ng mga apektadong pamilya ng bagyong Odette.