Palasyo, nababahala sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa
Nababahala na ang Palasyo ng Malakanyang sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesman Karlo Nograles, hinihiling ng Palasyo ng Malakanyang sa local government units na agad na isailalim sa granular lockdown o small-scale lockdown ang isang lugar na may pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Pahayag ito ng Palasyo ng Malakanyang sa gitna ng ulat ng OCTA Research Group na tumaas ng limang porsyento ang positivity rate sa Metro Manila.
“Marami tayong nakikitang mga areas na nagsisiksikan ang mga tao, kahit naman naka-mask sila, kahit bakunado na, fully vaccinated pero nagsisiksikan pa rin, so naba-violate na naman po iyong isa sa apat. So dahil nga po doon, hindi nakakapagtataka na tumataas ang bilang. Of course, nababahala kami. Nababahala ang IATF. Nababahala si Pangulo. Nababahala ang buong puwersa ng Malacañang, at dapat ang taumbayan din po,” pahayag ni Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na nasa LGUs na ang pagpapasya sa granular lockdown.
Ayon kay Nograles, kaya tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil nakakalimutan na ng bawat isa na sumunod sa mga inilatag na health protocols.
Sa pinakahuling talaan ng Department of Health, nasa 421 na bagong kaso ng COVID-19 ang naiatala sa bansa sa araw ng Martes, December 28, 2021.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.