Hindi nawawalan ng pag-asa si Aksyon Demokratiko presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno na mananalo pa rin sa 2022 presidential elections.
Ito ay kahit nasa ikatlong pwesto lamang si Moreno sa pinakabagong survey kasunod nina dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Moreno, nanatiling naka-focus ang kanyang atensyon sa pag-iikot at pakikipag-usap sa mga botante.
“Well, thank you very much. At least bagamat kahit ako’y pipitsuging kandidato, at least andudun lang, dire-diretso lang,” pahayag ni Moreno.
Sinabi pa ni Moreno na malayo pa naman ang eleksyon at marami pa ang maaring mabago.
“Tayo naman ang focus ko lang is umikot ng umikot. It’s a big country politically. While we are geographically small, but politically, it’s a very challenging country because you must cross waters from one place to another most of the time. And we will try to reach as many people as possible, and hopefully, may awa ang Diyos, we will win,” pahayag ni Moreno.
Sinabi pa ni Moreno na simula nang pumasok siya sa pulitika, nasanay na siyang maging underdog na kandidato dahil sa kawalan ng pondo.
“Lahat ng laban ko, it’s always like that (being the underdog). But ako naman, basta tayo, yung gusto nating gawin sa bansa, nakikita sa Maynila,” pahayag ni Moreno.
Sa pinakahuling Pulse Asia Survey, nanguna si Marcos na mayroong 53 percent, sunod si Robredo na may 20 percent at Moreno na may 8 percent.