Trapal at coconut lumber pinabibigay ni Pangulong Duterte sa mga nabiktima ng Bagyong Odette
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Social Welfare and Development Secretary Rolando Joselito Bautista na bigyan ng trapal o tarpaulin sheets at coconut lumber ang mga nasalanta ng Bagyong Odette para may pansamantalang matitirhan.
Sa Talk to the People, sinabi ng Pangulo na sa halip na plastic, dapat trapal ang matutulugan ng mga biktima para makaiwas sa lamig.
“Magbili ka muna i-assess mo ‘yung mga tao natutulog sa labas, emergency, so magbili ka ng trapal. The appropriate size for a family of maybe you target good for six people kasi ang trapal would protect the people from the cold sa gabi. Natutulog lang plastic,” pahayag ng Pangulo.
Dapat aniyang makabili na ng mga trapal sa loob ng 48 oras.
Nakiusap din si Pangulong Duterte sa mga may-ari ng lupa na kung natumba na ang mga tanim na puno ng niyog, mas makabubuting ibigay na lamang sa kapwa tao.
“Sa Siargao kung magtayo ng mini sawmill doon. Madali kaagad. Diyan mismo eh, nandiyan na ‘yung kahoy. So it could — it should come out as a lumber pero coconut and that material is not really advisable to be used. But for temporary, ‘yun na lang muna,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na pansamantala lang muna ito habang hindi pa nakakakilos ang National Housing Authority.
Inatasan din ng Pangulo ang militar na tumulong sa DSWD sa pamamahagi ng trapal at iba pang gamit sa paggawa ng bahay.
Sa ulat ni Interior Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na 4.2 milyong indibidwal ang naapeltuhan ng bagyo.
Nasa 1,179 ang mga nasa evacuation centers at 570,000 katao ang na-displace.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.