Sen. Go, muling umapela na sundin ang health protocols sa holiday season
Muling ipinaalala sa publiko ni Senador Bong Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, na palaging mag-ingat at ipagpatuloy ang pagtalima sa health protocols laban sa COVID-19, lalo na sa holiday season.
Sa video message sa relief operations para sa mga residente sa Julita at Mayorga, sa Leyte, nagbabala si Go laban sa banta ng COVID-19 Omicron variant at muling inihayag ang kahalagahan ng pagpapabakuna.
“Huwag nating isantabi ang basic protocols, tulad ng pagsuot ng mask, paghugas ng kamay, pag-obserba ng social distancing, at pananatili sa loob ng bahay kung hindi naman kailangang lumabas. Paulit-ulit na ito, kung hindi tayo susunod, mas mahihirapan tayo,” paalala ni Go.
“Higit sa lahat, magtiwala tayo sa national vaccine program at magpabakuna na kaagad ayon sa priority order na ipinapatupad. Tuluy-tuloy naman ang pagdating ng bakuna at pinapabilis natin ang rollout nito upang marating natin ang herd immunity sa mga komunidad sa lalong madaling panahon,” dagdag pa niya.
Namahagi ang staff ng senador ng snacks at masks sa kabuuang 1,000 residente sa Barangay Dita covered court sa Julita at Mayorga municipal gymnasium.
Nakatanggap din ang mga piling benepisyaryo ng computer tablets upang makatulong sa blended learning ng kanilang mga anak, habang ang iba ay binigyan ng mga bagong sapatos at bisikleta na magagamit nila sa kanilang pang-araw-araw na pagbiyahe.
Bilang bahagi ng kanyang commitment na mapagbuti ang access sa healthcare, hinimok nito ang mga may karamdaman na magtungo sa Malasakit Center.
“Sa mga pasyente dito, hindi niyo na kailangang bumiyahe para pumila sa iba’t ibang opisina para makahingi ng tulong mula sa gobyerno. Kung may bill kayo, ilapit niyo lang ‘to sa Malasakit Center. Wala itong pinipili. Basta poor at indigent patient ka, qualified ka,” paliwanag ni Go, na siyang may-akda ng Malasakit Centers Act of 2019.
Sa ngayon, mayroong 149 centers sa buong bansa, at ang pinakamalapit aniya ay matatagpuan sa Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) sa Tacloban City, New Western Leyte Provincial Hospital sa Baybay City, Ormoc District Hospital, Leyte Provincial Hospital, Governor Benjamin T. Romualdez General Hospital at Schistosomiasis Center (GBTRGHSC) sa Palo.
Pinapurihan din ng senador ang mga opisyal na patuoy na sumusuporta sa kanilang constituents, gaya nina 2nd District Representative Lolita Javier, Governor Leopoldo Petilla, Vice Governor Carlo Loreto, Julita Mayor Percival Caña at Vice Mayor German Macaso, at Mayorga Mayor Alexander De Paz at Vice Mayor Jairo Beltran.
Bilang Vice Chair of the Senate Committee on Finance, sinuportahan ni Go ang maraming inisyatiba sa pagsusulong ng infrastructure development sa Leyte. Kabilang dito ang pagsesemento ng local roads sa Barangay Liberty at farm-to-market road sa Barangay Sta. Cruz sa Mayorga.
Kaparehong distribution activities din ang unang isinagawa ng team ni Go para sa 1,000 residente sa MacArthur at Javier.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.