Pinalulutang na “Plan B”, imahinasyon lamang ayon sa palasyo

Inquirer file photo

Pagsasayang lang ng oras ang paniniwala sa sinasabing “Plan B”  ng administrasyon para manatili sa kapangyarihan.

Reasyon ito ng palasyo sa sinasabing plano na pagpapa-impeach kay Davao City Mayor at ‘presumptive president-elect Rodrigo Duterte sa oras na maupo ito sa Malacañang para ang papalit ay si Leni Robredo ng Liberal Party.

Pero ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, hindi na dapat binibigyan ng pansin ang nasabing mga alegasyon at sa halip ay pagtuunan ang mga mahahalagang suliranin at paksa na kinakaharap ng bansa.

Masyado naman aniyang malawak ang imahinasyon ng mga naka-isip ng nasabing senaryo.

Dagdag pa ni Coloma, isa ring malaking insulto ito sa papasok na Kongreso dahil hindi pa nga alam ang bubuo dito ay pinangungunahan na agad ang gagawin nito.

Una rito, ilang araw bago ang eleksyon, ibinunyag ni Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang umano’y “Plan B” ng administrasyon.

Sa naturang plano, sinabi ni Marcos na ilalaglag ng administrasyon si Roxas at isususlong na lamang ang kandidatura ni Robredo sa vice presidential race.

Pagkatapos nito, ipapa-impeach umano si Duterte upang umangat sa pampanguluhang puwesto si Robredo.

Si Marcos ay kalaban ni Robredo sa vice presidential post sa nakalipas na eleksyon.

Read more...