Mga natumbang niyog, uubra bilang construction materials ng Odette evacuees – Sen. Tolentino
Iminungkahi ni Senator Francis Tolentino na maaaring magamit na construction materials ang mga natumbang puno ng niyog dahil sa pananalasa ng bagyong Odette.
Sabi pa ni Tolentino, ang mga nagawang materyales mula sa puno ng niyog ay maaring ipamahagi sa mga nawalan ng bahay.
Sa pagbisita ni Tolentino sa Siargao Island sa Surigao del Norte, araw ng Lunes (December 20), una niyang napansin ang mga napinsalang istraktura, partikular na ang mga bahay.
Sinabi pa ng senador, maaaring magamit bilang alternatibong materyales na panggawa ng bahay ang libu-libong puno ng niyog na natumba noong kasagsagan ng hagupit ni Odette.
“Sayang naman kung ‘di gagamitin, nalinis mo na ang kapiligiran nakagawa pa ng construction materials. I urge NHA to coordinate with TESDA as am sure based on my past experience with calamities they still have that technology,” sabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement.
Pinayuhan na rin ng senador si National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino Escalada Jr. na makipag-ugnayan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa teknolohiya kung paano gagawing coco lumber ang mga natumbang puno ng niyog at ipamahagi bilang libreng materyales para sa mga sinalanta ni Odette.
Nangako naman si Escalada na agad tutugunan ang suhestiyon ni Tolentino.
Dagdag pa ng opisyal, magbibigay din ang NHA ng cash assistance na pambili ng roofing materials sa mga pamilya sinalanta ni Odette hindi lamang sa Surigao del Norte at del Sur, kundi maging sa iba pang lugar kagaya ng Bohol, Cebu, Leyte, Southern Leyte Negros provinces, Agusan provinces at Palawan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.