Noche Buena food package ng mga taga-Manila, ipinamigay sa mga nasalanta ng Bagyong Odette
Pinasalamatan ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno ang mga residente ng Manila dahil sa pagtulong sa mga nabiktima ng Bagyong Odette.
Ayon kay Moreno, hindi na kasi tinanggap ng ilang mga residente ang Noche Buena food package na ipinamahagi ng pamahalaang lungsod at sa halip ay ibinigay sa mga nasalanta ng bagyo sa Leyte, Surigao, Cebu at Bohol.
“Maniniwala ka ba na ‘yung mga Christmas gift package na binigay ko sa Maynila, a lot of them donated their Noche Buena packs? Binalik nila, pinadala nila sa Leyte Pinadala nila sa Surigao, Cebu, Bohol. Mga batang Maynila ‘yun,” pahayag ni Moreno.
Laman ng Noche Buena food package ang tatlong kilong bigas, limang de lata na corned beef, sangkap sa paggawa ng spaghetti at fruit salad.
“Bale nanawagan akong tumulong sila. So ang ginawa nila binigay nila ‘yung mga nataggap nilang packages. Kasi lagi ko namang sinasabi sa kanila… alam ko mahirap ang buhay natin pero at least nakakaraos tayo. Kasi nakita ko ‘yung Visayas, grabe. Naaawa talaga ako sa kanila kaya ako hanggat maaari kung sino ang makausap ko, hinahataw ko tapos bigay ako sa tao,” pahayag ni Moreno.
Sinabi pa ni Moreno na noong weekend lamang, nagtungo siya sa Urdaneta, Pangasinan kung saan nagbigay ang mga negosyante ng P250,000 para ipangdagdag sa relief efforts ng Manila city government.
Una nang nagbigay ang lokal na pamahalaan ng maynila ng P2.5 milyon na ayuda sa mga asalanta ng bagyo sa Visayas at Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.