Tugade: Itigil ang pamumulitika sa pagtulong sa mga biktima ng #OdettePH
Umapela si Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade na itigil ang pamumulitika sa paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette.
“Wag na nila ibandera kung sino ang naunang gumawa. Ang masasabi ko lang, maraming ginawa ang pamahalaan. Hindi dapat mamulitika. This is one time na dapat ay magsama-sama tayo. Tayo ay dapat gumawa. Habang nagdadaldal ang marami, ang DOTr, gumagawa ng tahimik,” pahayag ng kalihim.
‘On top of the situation’ aniya ang administrasyong Duterte, kasama ang mga ahensya ng gobyerno sa pagresponde sa mga nasalanta ng bagyo.
“Ang DOTr, kasama ang aming mga attached agencies, ay nagsagawa ng pre-emptive measures bago pa man humagupit ang Odette. Nandoon kami bago tumama, habang tumatama, at matapos tumama ang Odette sa Pilipinas,” saad nito.
Inalerto na aniya agad ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa pagresponde sa sama ng panahon.
Maliban sa mga inihandang barko bago tumama ang Bagyong Odette, tuluy-tuloy din ang relief and rescue operations sa mga apektadong probinsya, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan.
Binantayan din aniya ng MARINA at PPA ang mga stranded na pasahero sa iba’t ibang pantalan.
Samantala, lumipad ang CAAP, sa pangunguna ni Director General Jim Sydiongco, sa Siargao, Surigao, Southern Leyte, at Mactan, upang malaman ang pinsala na idinulot ng bagyo at makabuo ng programa sa pagsasagawa ng airport repair works.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.