P100M tulong ng Metro Manila mayors sa LGUs na nasalanta ng bagyong Odette
Nagkasundo ang 17 alkalde ng Metro Manila na magpalabas ng P100 milyon bilang tulong sa mga lokal na pamahalaan na labis na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette.
Sa pamamagitang ng resolusyon, nagkasundo ang Metro Manila Council (MMC) na ilabas ang pondo mula sa ‘savings’ ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“We are going to prioritize local government units stricken by tropical cyclone wind signal number 4 of typhoon Odette,” sabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos.
Maraming lugar sa Visayas at Mindanao ang labis na napinsala dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyo, ilang araw bago ang Araw ng Pasko.
“This financial aid will help especially in this trying times. It’s Christmas after all, a time of sharing and giving,” dagdag pa ni Abalos.
Paliwanag pa nito, minabuti na tulong pinansiyal na lamang ang kanilang ipadala sa halip na relief goods sa katuwiran na mahirap pa rin ang transportasyon sa mga nasalantang lugar.
“Affected LGUs are in the best position to decide how the fund can provide for the immediate needs of their constituents. We hope this aid will somehow alleviate the plight of the typhoon victims,” aniya.
Samantala, nagpadala na ang MMDA ng 62 tauhan sa Bohol kahapon para tumulong sa mga biktima at nagbitbit sila ng chainsaws, floating pumps, generator sets, tool sets, water purifiers, at tankers.
Magtutungo din sila sa Tacloban City, Maasin, Sogod, Kaitagan Bontoc, at Isla Limasawa sa Southern Leyte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.