Philippine stocks umangat sa gitna ng malaking lamang ni Duterte

 

 

Inquirer file photo

Nagsara ng mas mataas ng 2.6 percent ang Philipine Stock Exchange Index isang araw matapos ang halalan sa bansa kung saan nangunguna pa rin sa bilangan ng boto si Davao City mayor Rodrigo Duterte.

Bago ang halalan nitong nakalipas na May 9, bumaba ng halos limang porsiyento ang Philippine shares sa nakalipas na anim na linggo habang inaantabayanan ng mga traders ang magiging resulta ng eleksyon.

Nakaapekto rin sa pagbaba ng halaga ng stocks ang agam-agam sa pagkapanalo ni Duterte sa halalan at ang kawalan ng malinaw na economic plans ng alkalde.

Ngunit sa kabila nito, tumaas pa rin ng 0.7 porsiyento pa ang piso kumpara sa dolyar.

Ayon kay Smith Chua, chief investment officer ng asset management and trust division ng Bank of the Philippine Islands, Manila, inaasahan nilang magkakaroon muna ng panandaliang ‘honeymoon’ period habang inaalam ng mga negosyante ang mga plano ni Duterte.

Ayon naman kay Julian Wee, senior market strategist ng National Australia Bank sa Singapore, masinsinang tututukan ng mga traders ang mga susunod na hakbang ng alkalde sa mga susunod na linggo at buwan.

Gayunman, naging positibo aniya sa merkado ang pahayag nitong dapat nang simulan ang proseso na ‘healing’ sa bansa matapos ang eleksyon.

 

Read more...