Pagkain sa Dinagat Island paubos na, VP Leni humingi ng tulong
Umapila na ng tulong si Vice President Leni Robredo para sa mga residente ng Dinagat Island, na kabilang sa mga labis na nakaranas ng matinding pananalasa ng bagyong Odette.
Ginawa ni Robredo ang apila matapos niyang bisitahin ang isla at aniya nagkakaubusan na ng pagkain.
“Kailangan na kailangan po ng Dinagat Islands yung tulong natin. Naiyak po kami paglapag palang namin nung nakita namin ang kalagayan nila. Wasak na wasak halos lahat pati ang provincial capitol na binisita palang namin two years ago,” sabi nito.
Bukod sa paubos na ang pagkain, wala rin kuryente, malinis na tubig at komunikasyon sa isla.
“Paubos na daw po pagkain nila at wala mabili sa buong lalawigan kaya hindi po namin naabutan si Governor Kaka Bag-ao dahil pumunta siya sa Butuan para maghanap ng tulong,” ang pagbabahagi pa ni Robredo.
Marami din sa mga kalsada sa Dinagat Island ang hindi madaanan dahil sa mga nagbagsakan na mga puno at poste ng kuryente kayat motorsiklo ang kanilang sinakyan para makita niya ang lawak ng pinsala na idinulot ng bagyo.
Una nang binisita ni Robredo ang Bohol, Cebu, Surigao, Siargao at Southern Leyte para maghatid ng tulong.
Nabatid na ang volunteer center nila ng kanyang running mate, Sen. Francis Pangilinan, para sa eleksyon ay ginawa na nilang relief operations center para makapaghatid tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.