Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Odette.
Hanggang kaninang ala-6 kaninang umaga, 208 na ang naitalang namatay ng pambansang pulisya, bukod pa sa nawawalang 52 at nasaktan na 239.
Ang bilang ay base sa natatanggap na mga datos ng Camp Crame mula sa kanilang regional offices, na pinadadaldahan naman ng impormasyon ng provincial police hanggang istasyon ng pulisya.
Nilinaw naman ni PNP spokesman Col. Rhoderick Alba na ang mga natatanggap nilang datos ukol sa mga nasawi ay kinakailangan na maberipika muna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Hanggang kagabi, sa 31 nasawi na napa-ulat sa NDRMMC, apat lamang ang kinumpirma na may kaugnayan sa nagdaang bagyo.
Base pa rin sa ulat ng PNP, marami sa mga nasawi ay nalunod, nabagsakan ng mga puno at iba pang bagay na inilipad ng malakas na hangin dala ng bagyo.
May 103,111 katao ang nanatili pa rin sa mga evacuation centers sa Western Visayas, Central Visayas at CARAGA Regions.