P200M electric coop fund puwedeng gamitin sa power repair sabi ni Sen. Win Gatchalian
May P200 milyon na nailaan ngayon taon sa Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) at ito ay maaring gamitin sa pagsasaayos ng mg linya ng kuryente at power infrastructures na napinsala ng bagyong Odette.
Ito ang sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian at aniya ang pondo ay maaring gamitin ng National Electrification Administration (NEA).
“Sa lakas ng pinsala ng bagyong Odette, huwag naman sanang umabot pa ng pasko ang brownout sa ilang lugar sa bansa. Nananawagan ako sa NEA na gawan ng paraan ang pinangangambahan ng mga kababayan natin upang makapagdiwang sila ng pasko nang normal,” sabi pa ni Gatchalian.
Dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Energy mas mapapadali ang pagsusuri sa lawak ng pinsala at koordinasyon para sa emergency relief ng mga apektadong pamilya kapag may kuryente.
Si Gatchalian ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11039 o ECERF Law na layong magbigay ng agarang financial assistance sa electric cooperatives (ECs) para sa pagsasaayos ng mga nasirang linya ng kuryente at distribution facilities.
Dahil sa naturang batas, maiiwasan din na ipasa ng electric cooperatives sa mga konsyumer ang ilang dagdag na gastusin sa kanilang buwanang electricity bill.
“Dahil sa fund program na ito, masisiguro natin na maibabalik agad ang kuryente sa mga apektadong lugar sa lalong madaling panahon,” sabi pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.