Eroplano pinuno ng Sen. Manny Pacquiao ng relief packs para sa Odette victims
Paunang 31.2 metriko tonelada ng relief goods ang ipinadala ni Senator Manny Pacquiao para sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Odette sa Cebu at Bohol.
Isinakay sa eroplano ang relief items na binubuo ng food packs, na naglalaman ng bigas at mga de lata, gayundin ng iba pang pangunahing pagkain, samantalang may 36 kahon ng bottled mineral water ang isinabay ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo.
Sinabi ni Pacquiao na ang relief packs ay ibibigay kay Cebu Gov. Gwen Garcia at ito na ang bahalang mamahala sa distribusyon sa mga pinaka-apektadong lugar.
“This is the time to set aside politics. Kailangang magtulungan ang lahat para maiparating natin ang tulong sa mga nangangailangan. Huwag na muna natin pag-usapan ang pulitika. Huwag muna tayo maging busy sa pangangampanya. Maging busy tayo para mag ambag-ambag. Magtulungan tayo,” sabi ni Pacquiao.
May 5,000 relief bags, na naglalaman ng noche buena items at grocery items, ang inihanda din sa bodega ng pamilya ni Pacquiao sa General Santos City, at ipamamahagi din ang mga ito sa mga nasalantang lugar.
Binuo ni Pacquiao ang United Relief Operations para sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Odette.
Ipinag-utos na rin nito sa kanyang mga tauhan ang pagsasagawa ng ground and aerial survey sa mga nasalantang lugar para agad mabatid kung saan ang dapar mauna sa tulong na kanilang ibibigay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.