Labis na nadismaya si presidential aspirant at Senador Manny Pacquiao sa mahinang internet signal dahil siya mismo ang nakaranas nito sa kanyang pagdalo sa sesyon ng Senado sa pamamagitan ng zoom.
Nabatid na sa botohan sa plenaryo ukol sa panukalang pagbuo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos, bumoto ng pabor si Pacquiao ngunit hindi nabilang ang kanyang boto bunga ng mahinang internet signal.
Naulit ito sa pagboto ng mga senador sap ag-amyenda sa Public Services Act.
Aniya ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa na mahina ang internet signal at diin niya hindi ito nagugustuhan ng mga dayuhang mamumuhunan.
Kayat pangako nito na kapag siya ang nahalal na susunod na pangulong ng bansa, sisiguraduhin niya na ang mga ipinapangakong serbisyo ng mga telcos ay matutupad.
Pagdidiin ni Pacquiao napakahalaga din ng maasahang internet signal sa mga estudyante, gayundin sa mga nasa work from home arrangement.
“Kailangang gawin natin ang lahat para lumakas ang internet signal natin. Pipilitin natin sila na palakasin ang internet signal at tutulungan din naman sila ng gobyerno. Pag nakatutok ang gobyerno I’m sure na ma-improve yan,” sabi nito.