Mahigit 400 na pamilya na ang inilikas sa Misamis Oriental.
Ito ay dahil sa patuloy na pananalasa ng Bagyong Odette.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Misamis Oriental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) head Fernando Vincent Dy Jr. na inilikas sa Lagonglong ang 158 na pamilya habang 100 ang nasa Tagoloan, at 133 sa Gingoog City.
Nasa Binuangan, Villanueva at Balingoan naman aniya ang ibang pamilya.
Nakahanda na aniya ang lahat ng emergency vehicles pati na ang relief supplies ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi pa ni Dy na nakaantabay na rin ang mga pulis, sundalo at iba pang search and rescue teams.
Maging ang walong provincial hospitals ay nakahanda na rin.
Sa ngayon, wala pa namang naiulat na pagbaha sa lugar.