Halos 1-M katao, nabakunahan vs COVID-19 sa unang araw ng ikalawang ‘Bayanihan, Bakunahan’
Umabot sa halos isang milyong katao ang nabakunahan kontra COVID-19 sa unang araw ng ikalawang bugso ng National vaccination Day o Bayanihan, Bakunahan sa araw ng Miyerkules, Disyembre 15.
Sa Laging Handa public Briefing, sinabi ni National Vaccination Operations Center chairperson Undersecretary Myrna Cabotaje, ang Regions 4A o CALABARZON, 3 o Central Luzon at 1 o Ilocos ang nahalal na top performing regions.
Nanguna naman ang Batangas, Cavite at Laguna bilang top performing provinces.
Ayon kay Cabotaje, may mga lugar na hindi nakalahok sa Bayanihan, Bakunahan dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette.
Sa halip na Disyembre 15 hanggang 17, sa Disyembre 20 hanggang 22 na lamang gagawin ang Bayanihan, bakunahan sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Kumpiyansa pa rin aniya ang pamahalaan na makakamit pa rin ang pitong milyong target na mababakunahan sa ikalawang bugso ng Bayanihan, Bakunahan.
Sinabi pa ni Cabotaje na bagamat may bagyo, matagumpay pa rin na maituturing ang unang araw ng malawakang bakunahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.