Itutuloy ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno ang pagpapatayo ng Iloilo-Guimaras bridge.
Ito ay kung papalarin si Moreno na manalong pangulo ng bansa sa 2022 elections.
Nabatid na ang Iloilo-Guimaras bridge ay proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magdudugtong sana sa mga isla ng Panay, Guimaras at Negros.
Pero hindi na ito gumalaw sa hindi malamang dahilan.
Ayon kay Moreno, may awa ang Diyos at kung papalaring manalo, itutuloy niya ang pagpapagawa ng naturang tulay.
Ayon kay Moreno, kapag natapos ang proyekto, magiging sentro na ito ng ekonomiya dahil kaya nang pagdikitin ang Luzon at Visayas.
Pangako pa ni Moreno, itutuloy niya ang nasimulang “Build, Build, Build” program ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng pagpapatayo ng karagdagang pabahay, ospital at mga eskwelahan.