Ito ay matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force ang tradisyunal na sabong sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2.
Ayon kay Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles, nasa pagpapasya pa rin ito ng local government units.
“Nagkaroon din ng desisyon ang IATF kung saan pinapayagan ang operasyon ng sabungan at tradisyonal na sabong na nasa ilalim ng Alert Level 2 kung walang pagtutol dito ang mga LGUs o lokal na pamahalaan kung gaganapin ang sabong,” pahayag ni Nograles.
Paliwanag ni Nograles, kailangan nasa 50 porsyento lamang ang venue capacity ng mga fully vaccinated na mga sabungero.
Kinakailangan din na fully vaccinated na laban sa COVID-19 ang on-site workers at mga empleyado.
Kinakailangang cashless ang pustahan o ang mga tinatawag na technology-based platforms. Ibig sabihin, bawal ang pustahan ng cash.
Pinatitiyak din ng IATF na nasusunod ang health protocols na inilatag laban sa COVID-19.
Panawagan ng IATF sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ipasara ang mga sabungan na hindi makasusunod sa itinakdang health protocols.
Nasa Alert Level 2 ang buong bansa mula December 16 hanggang 31, 2021.