Umabot sa 62 katao ang nasawi sa pagsabog ng isang gas truck sa lungsod ng Cap-Haitien sa Haiti.
Ayon sa mga awtoridad madami ang nasawi sa insidente dahil kinuyog ng mga residente ang gas truck sa pagnanais na makakuha ng petrolyo.
Nagtungo si Prime Minister Ariel Henry sa Samarie, ang lugar kung saan naganap ang pagsabog, at binisita din nito sa ospital ang mga sugatan.
Sinabi ni Henry na nadurog ang kanyang puso nang makita ang kalunos-lunos na tanawin sa lugar, gayundin ang mga sugatan.
Ilan din sa mga kalapit na gusali ang nasunog at napinsala bunga ng pagsabog at marami din sa mga nasawi ang naiwan pa sa kalsada.
Sinabi naman ni Deputy Mayor Patrick Almonor marami sa mga biktima ang nasunog ng buhay at maaring mahirapan na makilala ang mga ito.
Tumagilid ang gas truck sa pag-iwas ng driver sa isang motorcycle taxi at lumusob na ang mga residente para kumuha ng petrolyo hanggang sa maganap ang pagsabog.
Hindi isinasantabi ang posibilidad na tumaas pa ang bilang ng mga nasawi dahil ilan sa mga nasa ospital ay kritikal ang kondisyon.