Kapag pinalad na mahalal na susunod na pangulo ng bansa, sinabi ni presidential aspirant Manny Pacquiao na ang unang utos niya ay ang pagpapagawa ng mega prison para sa tiwaling opisyal ng gobyerno.
Sinabi pa ni Pacquiao bago ang kanyang pag-ikot sa lungsod ng Mati para sa kanyang pagbisita sa Davao Region, na ang kanyang pangalawang executive order ay may kinalaman din sa kanyang kampaniya kontra korapsyon ngunit hindi na siya nagbigay pa ng detalye para masorpresa ang mga tiwali sa gobyerno.
“Hindi ko na lang sasabihin muna kung ano dahil baka mapaghandaan nila. Magugulat na lang sila,” sabi pa nito.
Nabanggit pa nito na mega prison ang ipapatayo niya dahil hindi kasya sa regular na kulungan ang mga tiwali at sabi pa nito, makakakita ng tunay na pagbabago ang sambayanan.
Kasabay nito, nangako din si Pacquiao ng malawakang pagbabago sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Rice Tarrification Law, na aniya ay lubos na nagpapahirap sa maraming Filipino.
“Halos hingin na ang kanilang mga ani dahil sa baba ng bentahan. Paano naman mabubuhay ang ang ating mga magsasaka?” tanong nito.