Aasiste ang Philippine National Police (PNP) sa pagsasagawa ng nationwide mock election para sa 2022 National and Local Elections.
Naniniwala si PNP Chief General Dionardo Carlos na makatutulong ang mock election sa pambansang pulisya upang magkaroon ng ideya sa magiging aktuwal na proseso ng halalan.
“We will be waiting for the official advisory from Comelec regarding the planned mock elections. But definitely, the PNP is willing to extend assistance for this activity,” pagtitiyak ni Carlos.
Makatutulong din aniya ang naturang pre-election activity upang madetermina ang strategic plan para sa deployment at evaluation sa iba’t ibang aspeto na kailangang tutukan.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, hindi pinapayagan ang PNP personnel na makapasok sa iba’t ibang voting precincts, ngunit itatalaga para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bisinidad nito.
Inatasan din ang pambansang pulisya na bantayan ang transportasyon ng mga balota at iba pang election paraphernalia.
Isasagawa ang nationwide mock election sa December 29, 2021.