Negatibo sa Omicron variant ng COVID-19 ang mahigit 200 pasahero na dumating sa bansa mula South Africa.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito ay base sa whole genome sequencing na ginawa sa mga pasahero.
“As of December 9, mayroon po tayong lumabas na resulta ng whole genome sequencing and unang-una gusto nating ipaalam sa ating mga kababayan there was no sample positive for the Omicron variant. Naisama po natin dito iyong isang arrival from South Africa kung saan lumabas po iyong sequencing result na ito po ay isang variant na B.1.1.203 – hindi po siya Omicron, hindi rin po siya iyong mga variants na binabantayan natin dito sa ating bansa. Ito po ay hindi variant of concern or variant of interest,” pahayag ni Vergeire.
Samantala, sinabi ni Vergeire na natukoy na ng DOH ang lima sa walong pang pasahero mula sa South Africa na una nang naiulat na hindi nako-kontak.
“Iyon pong mga lima po na na-locate na po natin na mga kababayan natin, iyong kanila naman pong mga tests noong una ay negatibo kaya hindi pa ho natin sila maisasama although we have done retesting again,” pahayag ni Vergeire.
Aabot sa 253 na biyahero mula sa South Africa ang dumating sa bansa mula noong Nobyembre 15 hanggang 29.