Ilang linggo na lamang, bubuksan na ang bagong Manila Zoo.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, kapag nabuksan na, maihahalintulad na ang Manila Zoo sa sikat na Singapore Zoo.
Sinabi pa ni Moreno na maihahanay na ang Manila Zoo sa best zoological at botanical gardens sa ibang mundo at isa sa pinakamaganda sa Asya.
“Sino gustong pumunta ng zoo? Malapit ng matapos ang Manila Zoo. Gusto ninyong pumunta? Ito ay lumuwag, umayos at gumanda. Tingin ko in a matter of few weeks matatapos na. Matutupad na natin ang pangarap natin na lumaban sa Singapore Zoo dahil sa may Manila Zoo tayong mga batang Maynila. Galing po ako nung isang araw, sumilip po ako. Naku, matutuwa po kayo,” pahayag ni Moreno.
“I just want you to be proud again as Manilenos. Dati tayo sikat. Itong Maynila. Dati pag tinatanong, ‘Taga Saan ka?,’ ang sagot: ‘Sa Manila!’ There was a time pag tinanong, ‘Tiga saan ka? Doon.’ Ayaw na sabihin eh,” dagdag ni Moreno.
Mas maganda at mas malawak aniya ang Manila Zoo na aabot sa 51,000 square meters.
Mayroon aniyang bagong museum, restaurant, veterinary hospital, animal habitats, coffee shop at new parking area.
Taong 1959 nang buksan ang Manila Zoo at simula noon ay hindi na ito naayos.
Taong 2019, ipinasara ni Moreno ang Manila Zoo para i-upgrade at i-renovate ito.
Nakipag-ugnayan na aniya ang kanilang hanay sa Cebu Safari and Adventure Park para sa posibilidad na magpalitan ng wildlife at animal medicines.