Con-con, isusulong ni Duterte sa unang tatlong taon sa pwesto
Isa sa isusulong ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kapag naupo bilang bagong pangulo ng bansa ay ang pagbabago sa konstitusyon sa pamamagitan ng constitutional convention o Con-con.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng isa sa mga tagapagsalita ni Duterte sa Mindanao na si Jun Ledesma na alam naman ng lahat na isa sa ibinabandera ng alkalde sa kanyang kampanya ay ang pagkakaroon ng federal system of government o pederalismo.
Ayon kay Ledesma, sa loob ng tatlong taon ay pag-aaralan ng kanilang kampo ang pagbabago sa halalan sa pamamagitan ng constitutional convention o Con-con.
Naniniwala rin aniya si Duterte na ang pederalismo ang solusyon sa mga problema ngayon ng bansa lalo sa rehiyon ng Mindanao.
Magbubuo din ng grupo si Duterte para pag-aralan ang posibleng bagong konstitusyon para sa bagong porma ng pamahalaan, bago ito ipakita sa taumbayan.
Ipinaliwanag ni Ledesma na kabilang sa mangyayari sa pederalismong porma ng gobyerno ay posibleng maging estado na ang ilang mga probinsya maging sa mga tribo sa mindanao.
Nilinaw din ni Ledesma na hindi totoong maka-komunista ang alkalde dahil ang tanging layunin aniya ng pakikipag-usap nito sa makakaliwang grupo ay ang pagkakaroon ng kapayapaan na binibigyan ng ibang kulay ng mga kalaban nito sa pulitika.
Ayon naman kay Peter Lavina tagapagsalita din ni Duterte, idadaan sa plebisito ang pagbuo ng Con-con.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.