Ayon kay Gatchalian, nakakadagdag sa kumpiyansa ng mga guro at kabataan ang bakuna bukod pa sa karagdagang proteksyon sa kanila.
Aniya, higit itong kailangan dahil binabalak ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) na dagdagan ang bilang ng mga paaralan sa pilot testing ng limited face-to-face classes.
Sa huling pahayag ng DepEd, ikinukunsidera ang 177 pang paaralan sa ‘in-person classes’ kabilang na ang 28 paaralan sa Metro Manila na magsisimula sa darating na Disyembre 6.
“Dahil sa banta ng Omicron variant ng COVID 19 dapat nating paigtingin ang pagbabakuna sa mga guro at mga kabataan lalo na’t ngayon pa lang sila unti-unting nakakabalik sa kanilang mga paaralan,” diin ni Gatchalian.
Bukod dito, isinusulong din ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education ang regular COVID-19 tests sa mga guro.