Nagpatupad ang Inter-Agency Task Force ng panibagong testing at quarantine protocols para sa mmga biyahero na darating sa bansa.
Ito ay dahil na rin sa banta ng bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
Ayon kay Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles, magiging epektibo ang bagong protocols ngayong araw, Disyembre 3, 2021.
Sa ilalim ng bagong guidelines, ang mga fully vaccinated travelers na galing sa mga bansa na wala sa ‘red list’ ay kinakailangan na mayroong negative RT-PCR test na ginawa sa loob ng 72 oras bago umalis sa country of origin.
Sasailalim din aniya ang mga fully vaccinated travelers sa facility-based quarantine. Sasailalim sa RT-PCR test sa ikalimang araw. Kahit na negatibo ang resulta, kinakailangan pa rin na sumailalim sa 14 araw na home quarantine mula sa unang araw ng pagdating sa bansa.
Para naman sa mga biyahero na partially o hindi pa bakunado, kinakailangan din ang negative RT-PCR test na ginawa sa loob ng 72 oras mula sa bansang pinanggalingan.
Pagdating sa Pilipinas, sasailalim sa facility-based quarantine at RT-PCR test sa ika-pitong araw.
Kinakailangan din na kumpletuhin ang 14 araw na home quarantine kahit negatibo ang resulta sa RT-PCR.
Kabilang sa mga bansa na nasa red list dahil sa Omicron variant ang Austria, Czech Republic, Hungary, the Netherlands, Switzerland, Belgium, Italy, South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique.
Umiiral ang travel ban sa mga nabanggit na bansa ng hanggang Disyembre 15.