130 kaso ng pagpatay sa Bicol Region idinidikit sa MO 32 ni Pangulong Duterte
Madiin tinuligsa ng National Democratic Front (NDF) – Bikol ang Memorandum Order 32 ni Pangulong Duterte sa katuwiran na naging ugat ito ng pagdanak ng dugo sa rehiyon simula noong 2018.
Sa inilabas na pahayag ni Ma. Roja Banua, ang tagapagsalita ng NDF – Bikol, sa tatlong taon na pag-iral ng naturang kautusan, lumaganap ang mga patayan, panggigipit at paglabag sa mga karapatang pantao sa rehiyon.
Diin nito, nagmistulang umiral ang batas-militar sa Bicolandia dahil sa pagpapakalat ng mga pulis, sundalo at Cafgu members.
Inakusahan nito ang Joint Task Force Bicolandia ng paglulunsad ng mga pag-atake sa masa sa rehiyon sa katuwiran na bahagi ito ng ‘anti-insurgency campaign’ ng gobyerno.
“Dahil sa MO 32 naging extra-judicial at massacre capital ang Bicol at gasgas ang ‘nanlaban’ at ‘NPA kaya pinatay operations,” bahagi pa ni Banua at aniya kabilang sa mga pinatay ay mga magsasaka, mamamahayag, manggagawa, negosyante at pulitiko.
Sa ibinahagi niyang datos, sa 219 kaso ng political killings, kabilang ang pito sa 12 insidente ng masaker, 130 ang nangyari sa pagpapa-iral ng kautusan ni Pangulong Duterte.
Bukod pa sa higit 100 sibilyan na inaresto at ikinulong dahil sa ‘red tagging.’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.